Sa araw na ito, wala akong ibang gagawin,
kundi ikaw at ang ngiti mo'y isipin.
At bigla kong maisipang isang kanta'y pakinggan,
na dati mong inawit kaya ngayon ika'y kinagigiliwan.
Karamihan sa atin ngayon ay may pagmamay-ari na iPod, MP3 player, o pinipiling malaki ang memorya ng cellphone para mapaglagyan ng mga kanta. At marami ka ring makakasalubong sa daan na suot ang earphones na pwedeng malaki o maliit at agaw-pansin o nakatago. At dahil sa mga kagamitang ito, pwede na tayong makinig ng musika kahit nasaan man tayo o kung anuman ang ginagawa natin. Nakakatuwang isipin na lagi na tayong may background music kahit naglalakad lang tayo sa daan. O 'di ba, parang sine lang? Aminin, na-imagine mo na kahit isang beses lang na parang nasa isang music video ka kapag kunwari nag-iisip ka lang nang malalim habang nakikinig ng musika.
Siguro rin ngayon ay hindi na o minsan na lang tayo nakikinig sa radyo at hindi na umaaasa na ipatugtog ni Mr. DJ ang gusto nating kanta at tayo na rin mismo ang bahala sa mga kantang gusto nating pakinggan. Isang click, lang, pwede na nating palitan ang kantang napapakinggan natin kung ayaw natin ito. May mga panahon na gusto nating pakinggan ang mga kantang swak na swak sa nararamdaman natin sa kasalukuyan. May mga pagkakataon din na yung pinipili natin yung kanta dahil naiisip natin na baka maiba ng awiting ito ang mood natin sa panahong iyon.
Pano nga ba naapektuhan ng musika ang mga nararamdaman natin? Anong mga bagay ang nag-iimpluwensya satin sa paggawa natin ng playlist para sa araw na iyon?
Naibanggit sa pag-aaral nina Pereira at mga kasama (2011) na mas may emotional engagement ang isang indibidwal sa musika na pamilyar sa kanya. Naibanggit din sa pag-aaral na ito na mas aktibo ang mga broad emotion-related limbic at paralimbic regions pati na ang reward circuitry sa musika na pamilyar sa tagapakinig. Nakita din nila na mas aktibo ang mga maliliit na bahagi ng cingulate cortex at frontal lobe, kasama na ang motor cortex at Broca's area kapag naririnig ang nagugustuhang musika kaysa sa musikang hindi gusto ng tagapakinig.
Isa ring sinasabing batayan natin sa pagpili ng musika para sa playlist natin ay ang ating mood. Ayon sa pag-aaral nina Vuoskoski at Eerola (2010) na may impluwensya ang ating mood sa kung papaano natin maiintindihan ang emosyon na dala ng musikang pinakinggan natin. Pinag-aralan din dito ang kinalaman ng personalidad ng isang indibidwal sa tipo nyang musika.
Naobserbahan ng mga mananaliksik na ang current mood ay may kinalaman sa mood-congruent biases sa pagsusuri sa emosyon na dala ng musika ngunit nakokontrol naman ng extraversion ang degree ng mood-congruence. Nalaman din nila na ang mga personality traits ay may malaking kinalaman sa gusto na musika ng isang indibidwal.
Dahil sa iba-iba ang bawat isa sa atin at iba-iba ang tumatakbo sa ating isipan, masasabi natin na iba-iba rin ang nagiging epekto sa atin ng musika na pinapakinggan natin. Kung ang isang kanta man ay nakakapagpasaya sa iyo, baka ang kantang ito rin ang magpapatulo ng luha sa mga mata ko. Pero kahit anong emosyon man ang maidulot nito sa atin, tunay na ang musika ay deretso-tagos sa puso.
Hayaan nyong tapusin natin ang usapang ito sa quote na ito:
I have my own particular sorrows, loves, delights; and you have yours. But sorrow, gladness, yearning, hope, love, belong to all of us, in all times and in all places. Music is the only means whereby we feel these emotions in their universality. ~H.A. Overstreet
*Pereira CS, Teixeira J, Figueiredo P, Xavier J, Castro SL, et al. (2011) Music and Emotions in the Brain: Familiarity Matters. PLoS ONE 6(11): e27241. doi:10.1371/journal.pone.0027241
*Vuoskoski J, Eerola T. (2010) The Role of Mood and Personality in the Perception of Emotions Represented by Music. Cortex 47(9): 20 November 2010. Retrieved from http://www.sciencedirect.com/science/article/pii/S0010945211001067. 27 February 2012
Sina Ate at Kuya ay mula rito at rito.
No comments:
Post a Comment