Monday, February 20, 2012

Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Kanan.

Hindi naman ganoon kaganda ang tanawin. Pero bakit kaya masayang pakiramdam ang dala ng paglalakad-lakad sa lugar na ito?

Ah. Kasi kasama kita.

Nabalot ang bawat nadadaanan natin ng masayang kwentuhan at wagas na tawanan. Biruan at tuksuan nati’y walang tigil na para bang wala ng bukas. Sa katatawa ay napapalundag ako. Napapakandirit at napapaimbay pa nga ako sa tuwa imbes na maglakad lamang ng marahan gaya ng isang dalagang Filipina. Ikaw naman na walang humpay sa pagbitaw ng mga biro at banat ay pangiti-ngiti lang.  Sa buong oras na magkasama tayo’y ganito ang eksena. Hindi ko nga napansin na papalapit na tayo sa ating destinasyon, sa lugar kung saan tayo ay maghihiwalay.

Sa paglipas ng ilang minuto ay natanaw ko na ang maraming sasakyan. Ayan na, malapit na. Mga sapin sa paa nati’y tila bumibigat. Usad nati’y parang pagong sa bagal. At habang papalapit pa’y, pabagal ng pabagal ang lakad natin. Inaabot ng isang segundo ang bawat hakbang at tila ba hinihila paatras.


Bakit kaya ganito?

          Maraming pag-aaral na ang isinagawa tungkol sa pagkilos ng tao at kung paano ito naaapektuhan ng emosyon. Sa pag-aaral nina Stins, Roelofs, Villan, Kooijman, Hagenaars, & Beek (2011), sinasabing ang facial expressions bilang social cues ay maaaring magdulot din ng pagbabago sa pagkilos. Dito, ang mga kalahok na puro babae ay dumaan sa dalawang experimental conditions: affect-congruent at affect-incongruent. Sa unang condition sila ay kinakailangan humakbang paabante bilang tugon sa masayang mukha at paatras naman kung galit ang mukha. Samantala, sa ikalawang condition, binaliktad ang instructions. Binigyan-diin din sa mga kalahok ang speed at accuracy sa pagsasagawa ng experiment. Sinukat sa pag-aaral na ito ang postural immobility (mga kilos pagkapakita ng larawan bago pa man humakbang), reaction time (oras sa pagitan ng pagpapakita ng larawan at ng pag-angat ng binti), at peak velocity (ang maksimum na bilis ng paghakbang). Lumabas na mas mababa ang postural immobility sa affect-incongruent kaysa sa affect-congruent condition. Dahil raw ito sa mas mataas na demand ng atensyon na kailangan sa pagproseso ng mga incongruent instruction.Sa reaction time naman, mas mabilis ang paghakbang sa affect-congruent condition pero kapag happy faces ang ipinakita. Mas mahaba-habang oras kasi ang kailangan ng mga kalahok sa pag-initiate ng hakbang kung angry faces ang ipinakita kumpara kung happy faces. Kaunti lang ang pagkakaiba sa peak velocity pero mas mataas kapag happy faces. Ayon sa mga researcher, ipinapakita nitong ang mga tao ay namo-motivate na lumapit sa mga kanais-nais na bagay at umiwas naman sa mga hindi (hedonic principle).


          Ang ilang pag-aaral naman ay nakasentro paglakad. Sa isang pag-aaral nina Gross, Cranem & Fredrickson (2012), pinakamabilis ang paglakad kapag ang emosyong iniuugay ay joy at anger at pinakamabagal naman kapag sadness. May kinalaman pa rin sa bilis, lumalabas sa isa pang pag-aaral na mas mabilis ang paghakbang kapag erotic pictures ang ipinakita kumpara kung ang litrato ay naglalarawan ng happy people, attack, mutilation, contamination, at neutral (Naugle, Joyner, Hass, & Janelle, 2010). Sa parehong pag-aaral sinukat din maging ang haba ng unang dalawang paghakbang pagkapakita ng larawan. Ang resulta, mas maiksi ang hakbang kapag mutilation at contamination pictures ang ipinakita kaysa kung erotic pictures. Ibig sabihin, ang kilos natin ay namo-motivate ng mga istimyulong mahalaga sa ating survival at bumibilis ito kapag kanais-nais ang emosyong dulot ng isang istimyulo. 

         
(Kaya naman pala ganoon ang kilos ko kapag kasama ka--masaya kasi ako. At ngayong kailangan na nating maghiwalay, malungkot na ako.)





Nais ko pa sanang sulitin ang mga oras na magkasama tayo subalit, nakakalungkot man, ay kailangan ko ng magpaalam. Kailangan na nating maghiwalay dahil magkasalungat ang direksyon ng landas na ating tatahakin.


Ilang sandali pa’y hindi na kita matanaw. Wala na ang mga ngiti. Bagsak na ang mga balikat at braso kong kanina'y di mapakali. Pakiramdam ko nga bumagal pati pagtibok ng puso ko.


Di nagtagal napagtanto kung hindi ako dapat malungkot. May ibang pagkakataon pa. Sa ngayon ay sasariwain ko na lang muna ang alaala ng mga nangyari ngayon. Masayang alaala ang dala-dala ko sa pag-uwi. Ngayong iniisip ko ang mga nangyari, di ko mapigilan ang sarili sa pagngiti. Bumibilis ang lakad ko. Ang balakang ko’y humahampas na parang may sinasabayang indayog. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Kanan.


Gross, M. M., Crane, E. A., & Fredrickson, B. L. (2012). Effort-Shape and kinematic assessment of bodily expression of emotion during gait. Human Movement Science , 30 (1), 202-221.
Naugle, K. M., Joyner, J., Hass, C. J., & Janelle, C. M. (2010). Emotional influences on locomotor behavior. J Biomech , 43 (16), 3099-103.
Stins, J. F., Roelofs, K., Villan, J., Kooijman, K., Hagenaars, M. A., & Beek, P. J. (2011). Walk to me when I smile, step back when I’m angry: emotional faces modulate whole-body approach–avoidance behaviors. Exp Brain Res , 212 (4), 603–611.
*ang mga larawan ay mula dito, dito at dito.


No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...