Monday, February 27, 2012

Indak sa Indayog

♫ Hataw na
‘Wag kang mapagod
Hataw at galaw
Ako’t ikaw (tayong lahat)...


Napapahataw ka na ba? Habang binabasa mo ang lyrics, sigurado akong napapakanta ka na sa isip mo. O di kaya’y naiisip mo si Gary V. na kinakanta ito na malamang ay sumasayaw rin sa utak mo.


*
Parte na ng buhay natin ang musika, at least para sa akin. Sa tingin ko’y aayon kayo sa akin kung sabihin kong ang lungkot kung walang musika. Madalas ko ngang naririnig at nababasa ang mga katagang “Music is my life” mula sa mga musikero at mga taong mahilig sa musika. At isa na ako sa kanila. Ayon nga kay Friedrich Wilhelm Nietzsche, “Without music, life would be a mistake.” Agree!


Kahit saan mapadpad, mayroon at mayroong isang tao diyan na kung hindi kumakanta ay nakikinig sa musika.


Sa mga kanto kung saan maraming tambay at nag-iinuman, di mawawala ang videoke. Madalas pa nga’y aakalain mong ibang bersyon ng kanta ang tumutugtog. Ito’y dahil wala sa tono o tyempo ang kumakanta, o di kaya naman ay dahil parang isinalin ang kanta sa ibang lenggwahe—lenggwahe ng mga lasing.


*
Sa mga sasakyang pampubliko madalas namang may mga pasaherong may suut-suot na earphones na napapatango dahil sa pagsabay sa awitin, pwede ring dahil sa antok (head banger pa nga ang tawag ko sa kanila at sa sarili ko na rin dahil nakakatulog din ako sa sasakyan). Kung matyempuhan namang hindi pelikula ang pinapanood sa bus, piniratang DVD ng konsert ng mga sikat na mang-aawit naman ang nakasaksak sa player. Sa mga dyip naman, madalas nakakatutok si mamang drayber sa FM station na para sa akin ay nakakainis dahil puro kanta ni Willie o puro remix o puro rap na walang sense ang umaalingawngaw. Nakakainis pa lalo kung nakakabingi na, na sa lakas ng tugtog ay hindi na marinig ni mamang drayber na may pumapara ng pasahero. Bago pa mauwi sa pagrereklamo ko balik tayo sa paksa ng sulating ito.


*
Sa mga paaralan, sa UP halimbawa, may mga estudyanteng may dala-dalang gitara at acoustic box. Nagkukumpol sila at pumupwesto kung saan man pwede at doon masayang nagja-jamming. Mayroon din naman sa academic oval na nagja-jog at may iPod o teleponong de-radyo na nakasukbit o nakasabit sa braso at nakasiksik na earphones sa tenga (malamang).


Mapapansin na sa pakikinig o pag-awit, hindi maiiwasang mapaindak. Tayo’y sumasabay sa indayog sa iba’t ibang paraan: sa pagtapik-tapik ng mga kamay o paggalaw sa mga ito na parang may tinatambol sa ere, sa pagtangu-tango, at pagpadyak-padyak (hindi ko alam ang tawag sa paggalaw ng unahang parte ng paa habang nakadikit sa sahig ang likurang bahagi ng talampakan—ganito kasi ang ginagawa ko kapag sinasabayan ang kanta). Ang karanasang ito sa musika na nagpapaindak sa atin ay tinatawag na groove (Madison, 2006) o sensorimotor coupling (Janata, Tomic & Haberman, 2012).


Binanggit sa pag-aaral nina Madison, Gouyon, Ullen, & Hörnström (2011) na ayon sa mga pag-aaral, may bayolohikal na eksplanasyon ang koneksyon sa pagitan ng ritmo ng musika at ng paggalaw. Kinakitaan ng aktibasyon ang mga bahagi ng utak na sangkot sa pagkilos ng tao (motor system) kapag nakikinig sa mga tunog na may ritmo. Iniuugnay rin sa pleasure ang mga karanasang may kinalaman sa rhythmic music. Makikita ito sa mga bahagi ng utak na naa-activate na may kinalaman sa reward at arousal (tulad ng amygdala).


Sa pag-aaral nina Madison et al. (2011), 19 na Swede ang naging kalahok. Nakinig sila sa 100 sample ng traditional folk music na nabibilang sa limang genre (mula sa limang rehiyon, kabilang na ang Greek, Indian, Jazz, Samba, and West African).  Nagtagal ng mula 9.06 hanggang 14.55 seconds ang bawat musika. Kinailangan nilang i-rate ang mga ito depende kung napapaindak sila (Groove). May dalawa pang panukat silang ginamit. Ito ay kung nakarinig na ba sila ng parehong musika (Familiar) at kung gusto nila ang musika at nais pang ituloy na pakinggan (Good). Ginawa nila ito isa-isa at nagtagal ng 41 hanggang 56 minutes.


Lumabas na ang West African, Samba, and Jazz ang may pinakamataas na rating pagdating sa Groove at sinundan ng Greek at Indian. Ibig sabihin, mas nag-e-evoke ng paggalaw ang mga musikang nabibilang sa West African, Samba at Jazz. May anim na audio signal properties na ikinakabit sa pagpapaliwanag sa resulta ng rating nga mga kalahok—Beat Salience, Event Density, Fast Metrical Levels, Systematic and Unsystematic Microtiming at tempo—na hindi ko na ipapaliwanag dahil kahit ako ay hirap na unawain ang mga ito. Pero sa pagkakaintindi ko, ang beat at kung gaano ito ka-salient sa isang musika ay maaaring magpaliwanag kung bakit napapaindak sa musika. Halimbawa, ang Samba ay may mataas na correlation sa hindi bababa sa apat na audio signal properties na maaaring mas nagdudulot ng pag-indak kumpara sa iba pang genre na ginamit sa pag-aaral. Pero dahil sa ang pag-aaral ay gumamit ng, ayon sa mga mananaliksik na rin, “unsystematic sample of music examples, this cannot in any way be generalized to these genres at large.”


Sa iba namang panukat, lumabas na hindi naman pamilyar ang lahat sa mga musika kahit pa may iilan na nagbanggit na may alam silang may kinalaman sa jazz, Latin at folk music. Mayroon ding nakitang correlation sa pagitan ng Groove at Good. Sa tingin ko ay may sense ito kung karanasan ko lang ang pagbabatayan dahil kadalasang napapa-groove ako sa mga kantang gusto ko.


Maganda sanang magkaroon din ng ganitong pag-aaral sa Pilipinas at gamitin ang mga musikang pinapakinggan sa dito. Baka maaring i-relate ito ibang psychological concepts tulad ng personality, emotion, at colonial mentality. :D

...

Hataw na ng ganyan
Ang lahat gumagalaw
Kaya hataw na!


Naalala ko tuloy ang UP Fair nito lamang buwan. Nagpunta kami ng mga kaibigan ko sa fair isang gabi kung kelan si Gary V. ang bida. Sumakay kami ng ilan sa mga kaibigan ko sa flying fiesta. Napatili ako hindi dahil sa pag-ikot-ikot ng ride at pagtaas ko ere pero dahil tumugtog ang kantang ‘yan. Hudyat ng pagsalang ni Gary V. sa stage. ‘Yang kantang iyan ang ginamit niyang pambulaga sa audience. Tilian at sigawan ang mga tao. Ang galing niya lang. Karapat-dapat lang siyang tawaging Mr. Pure Energy. Parang walang kapaguran sa pagkanta at pagsayaw. At kami namang manunood at tagapakinig niya’y walang kapaguran din sa pagsabay sa pagkanta at pag-indak.

...


*
Nais ko lamang ibahagi ang quote na ito na nahanap ko sa internet:

“Music gives a soul to the universe, wings to the mind, flight to the imagination 

and life to everything.” ― Plato



Ladinig, O., & Schellenberg, E. G. (2011, July 18). Liking Unfamiliar Music: Effects of Felt
Emotion and Individual Differences. Psychology of Aesthetics, Creativity, and the Arts.
Advance online publication. doi: 10.1037/a0024671

Janata, P., Tomic, S., & Haberman, J. (2012). Sensorimotor Coupling in Music and the Psychology of the Groove. Journal of Experimental Psychology , 141 (1), 54-75.

Madison, G., Gouyon, F., Ullen, F., & Hörnström, K. (2011). Modeling the tendency for music to induce movement in humans: First correlations with low-level audio descriptors across music genres. Journal of Experimental Psychology: Human Perception and Performance , 37 (5), 1578–1594.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...